Paano Kuminis at Pumuti ang Mukha?

“Mirror, mirror on the wall, who’s the fairest of them all?” Malamang pamilyar ka sa mga katagang ito, na mula sa isang sikat na fairy tale, kung saan ang pangunahing karakter ay kilala na nagtataglay ng katangi-tanging ganda na syang naging sanhi upang manibugho ang isang masamang reyna. Ito marahil ay isang kwento lamang na patok sa mga kabataan ngunit isinasaad nito ang reyalidad ng buhay.

Sa mga panahong nakalipas at sa maraming kultura sa mundo, ang pagtataglay ng makinis at maputing mukha ay iniuugnay sa kagandahan, bagay na pinapangarap ng maraming mga kababaihan. Sa iba’t ibang bansa, ang mga pag-aaral ay nagpapakita na mas gusto ng mga lalaki ang mga babae na may maputing kompleksiyon. Kaya naman maraming kababaihan ang nagsusumikap upang magkaroon ng mas maputi na kulay ng balat at mas makinis na mukha na kadalasan ay itinutumbas sa magandang katayuan sa buhay at mas mataas na pagpapahalaga sa sarili.

Sa buong mundo, patuloy na tumataas ang pangangailangan para sa mga produktong pampaputi. Ang merkado para sa pampaputi at pampakinis ng balat ay patuloy na lumalago sa isang napakalaking industriya kaya ang mga produktong ito ay maaari na ngayong matagpuan kahit saan. Sa kasamaang palad, ang pagpapaputi ay hindi kasing simple ng paglalapat lamang ng cream sa mukha. Kinakailangan ang mas maraming trabaho. Ang ilang mga tao ay naglakas-loob pa nga ng higit sa normal na pamamaraan at sumailalim sa mas masilang operasyon upang mapahusay ang kagandahan. Bagaman nabigo ang ilan. nagtagumpay naman ang iba.

Sa artikulong ito, alamin ang ilang paraan para kuminis at pumuti ang mukha.

Ang pagpapaputi at pagpapakinis ng mukha ay nagsisimula sa mahusay na pag-aalaga. Ito ay nangangailangan ng malusog na pamumuhay at pag-iwas sa mga karaniwang dahilan ng pagkasira ng balat. Ang mga tip sa pagpapaputi ng mukha ay maaaring makatulong sa iyo na makamit ang mas makinis at mas maputing mukha.

Paano Kuminis at Pumuti ang Mukha: Gumamit ng panangga sa araw o sunscreen

Ang pinakapangunahing dahilan na nakakaapekto sa kulay ng balat ay ang pagkakabilad ng balat sa sinag ng araw. Ang melanin ay ang natural na depensa ng iyong balat laban sa masamang epekto ng araw. Depende kung gaano katagal ang pagkakalantad mo sa araw, ang balat ay gumagaling sa pamamagitan ng paggawa nito ng melanin upang i-filter ang UV light. Ang maikling pagkakabilad sa araw ay maaaring maging sanhi ng agarang pangingitim ngunit ang sobrang pagkakalantad sa sikat ng araw ay magdudulot ng malubhang sunburn. Kaya kung lalabas ng bahay, gumamit ng sunscreen na may SPF 30 o mas mataas, at mag-aplay sa mukha nang ilang beses sa araw. Magsuot ng mga hadlang sa sinag ng araw tulad ng mga sumbrero at damit na may proteksiyon laban sa UV rays.

Maging maingat sa paggamit ng gamot para manatiling makinis ang balat

Maging matalino kapag gumagamit ng mga gamot. Lamang kumuha ng mga gamot na inireseta ng iyong doktor, at magtanong tungkol sa kanilang mga epekto. Ayon sa pag-aaral, may mga gamot na maaaring lumikha ng pagbabago sa kulay ng balat, lalo na sa mukha. Halimbawa, ang melasma ay karaniwan sa mga buntis at mga kababaihan na gumagamit ng oral contraceptive pills. Ang melasma ay ang madilim na pigmentation o discoloration sa balat na matatagpuan sa pisngi, noo at sa ilong. Ang mga ito ay sanhi ng mataas na antas ng estrogen sa katawan, na humihikayat ng mas mataas na aktibidad ng melanocyte. Ang ilang mga gamot ay maaari ring maging sanhi ng mas mataas na produksyon ng melanin. Kabilang dito ang ilang mga uri ng mga anti-seizure drug, painkiller, antibiotic, chemotherapy drug at heavy metal.

Kumain ng masustansiyang pagkain para kuminis ang balat

Ang wastong diyeta at mga suplementong multibitamina ay maaaring makatulong sa pagpapalusog ng iyong balat. Kumain ng mga pagkain na mayayaman sa antioxidant tulad ng Bitamina A, C, E at B complex. Mahalaga rin ang mga mineral sa pagpapanatili ng makinis na balat tulad ng selenium, tanso at zinc. Tandaan na ang pagkakaiba-iba sa diyeta ay ang susi. Ang pagkakaroon ng wasto at balanseng diyeta na may maraming prutas at gulay ay nagbibigay ng lahat na sustansya na kailangan para sa mas makinis at mas maputing mukha.

Uminom ng maraming tubig para manatiling makinis

Panatilihin ang balat na hydrated sa pamamagitan ng pag-inom ng hindi bababa sa anim hanggang walong baso ng tubig sa isang araw, at higit pa kung mas mainit ang klima, lalo na kapag tag-init. Limitahan ang paggamit ng caffeine at alkohol, na maaaring mag-dehydrate sa balat.

Gumamit ng moisturizer

Ang moisturizer ay nagsisilbing panangga sa tuktok na bahagi ng balat upang maiwasan ang pagkawala ng kahalumigmigan o moisture sa balat. Gumamit ng mga moisturizer na hypoallergenic at walang amoy upang maiwasan ang pangangati.

Mag-ehersisyo

Ang sapat na ehersisyo ay nagpapalaganap ng maayos na sirkulasyon sa dugo, kung kaya nabibigyan ang balat na mas maraming sustansya at oksiheno. Pinipigilan din nito ang labis na katabaan, na maaaring maging sanhi ng pangingitim. Ang mga taong napakataba ay malamang na magkaroon ng mas mataas na antas ng sex hormone na nagiging sanhi ng tigyawat. Ang labis na katabaan ay humahantong sa acanthosis nigricans, o sakit na nauugnay sa pangingitim ng balat. Kahit na ito ay karaniwang nangyayari sa masisilang bahagi ng katawan tulad ng kilikili at leeg, maaari rin itong makita sa mukha. Kaya upang mapanatili ang makinis na mukha, isama sa pang-araw-araw na gawain ang sapat na ehersisyo.

Huwag manigarilyo

Ang paninigarilyo at polusyon ay nagdaragdag ng mga free radicals na pumipinsala sa balat. Nagdudulot din ito ng skin pigmentation at nagpapabilis sa pagtanda ng tao. Pinipinsala nito ang mga melanocyte ng balat na nagiging sanhi ng abnormal na produksyon ng melanin. Sinasabing ang taong naninigarilyo ay mas prone sa mga panganib na dulot ng sinag ng araw sa tuwing lalabas ng bahay.

Iwasang ma- stress at huwag magpuyat

Maglaan ng sapat na oras para sa matahimik na pagtulog at mainam na pagpapahinga. Kapag sobrang napagod ang katawan at di maayos na nakapagpahinga, maaaring mag-trigger ang stress hormones ng mga hormonal imbalances sa katawan na maging sanhi ng hyperpigmentation o pangingitim ng balat dulot ng sobrang produksiyon ng melanin.

Huwag eksperimentohin ang iyong balat

Tandaan na ang ilang mga pampaputi sa mukha ay maaaring maging sanhi ng pinsala kung hindi ginagamit ng maayos. Gumamit lamang ng mga produkto na inaprubahan ng iyong dermatologist.

Maraming mga paraan upang mapanatili ang iyong mukha na makinis at maputi kaya subukan ang ilan sa mga tip o kumbinasyon ng mga ito, ngunit maging maingat. Kung mayroon kang anumang mga katanungan tungkol sa isang produkto o pamamaraan, siguraduhing itanong ito sa iyong doktor para sa mas matalinong payo. Huwag basta-basta maniniwala sa kahit sinuman. Ang iyong balat ay maaaring maging malusog sa pamamagitan ng mahusay na pag-aalaga kasabay ng wastong nutrisyon at maingat na pagsunod sa mga matalinong payo ng eksperto!

KATULAD NA MGA ARTIKULO