Pampakinis ng Mukha, Mga Hakbang Tungo sa Kutis na Mas Bata

Ang mukha ang isa sa pinakamahalagang bahagi ng ating mga katawan na pinakamadalas ding unang tinitingnan ng tao. Kadalasan ding dito nakikita ang hudyat kung tayo ba ay handa sa panibagong pakikisalamuha o pakikipagkaibigan. Sa kabila nito, ang mukha rin ang pinakamadalas na sumasalubong sa iba’t ibang uri ng mikrobyo at alikabok na nakakasalubong natin sa bawat araw.

Dahil sa dami ng gawain na ginagampanan ng ating mga balat sa mukha, hindi maiiwasang unti unti itong mabawasan ng kinang at ng kinis. Kaya naman, marami sa atin, babae man o lalaki ay naghahanap ng paraan kung paano nga ba mapapakinis ang mukha.

May iba’t ibang paraan kung paano magpakinis ng mukha. Ang ilan ay sa mas mabilis ngunit may kabayaran na paraan at kadalasan ay isinasagawa ng mga dermatologist o ng mga espesyalista sa balat. Samantalang may ilan naman ay gumagamit ng alternatibong paraan kung paano pakinisin ang mukha.

Pampakinis ng Mukha sa Tulong ng mga Propesyonal

Ang chemical peel treatment ay pampakinis ng mukha na ginagamitan ng isang uri ng gamot o kemikal na ipinapahid sa balat. Nagdudulot ito ng pagbabalat ng mukha sa loob ng tatlo hanggang limang araw. Layunin nito na tuluyang tanggalin o bakbakin ang mga patay na skin cells sa ibabaw ng balat upang lumabas ang bago at mas sariwang balat na nasa ilallim.

Ang chemical peel treatment ay nagpapasikip ng balat, nagpapaliit ng mga butas ng pores, binubura ang mga mantsa sa balat at mga pinong guhit na hindi kaaya ayang tingnan. Tumutulong din ito na mabawasan ang paglitaw ng wrinkles o mga guhit sa balat na palatandaan ng edad at maging ang mga mababaw hanggang katamtaman na peklat.

Gaya ng chemical peel treatment ang microdermabrassion ay isa rin uri ng pampakinis ng mukha sa pamamagitan ng pagtanggal ng pang-ibabaw na bahagi ng balat. Ito naman ay isinasagawa sa pamamagitan ng marahang pagkuskos sa balat gamit ang isang uri ng pinong instrumento.

Mabisa man, ay hindi ito inirerekomenda sa lahat ng edad dahil sa nakaapekto ito sa natural na kakayahan ng balat na maglabas ng melanin na tumutulong bilang proteksyon dito.

Isang uri naman ng pampakinis ng mukha na epektibo ngunit may kamahalan ay ang tinatawag na laser skin resurfacing. Sa paraang ito, gumagamit ng laser beam light upang derektang gamutin ang mga bahagi ng balat na may problema. Maaari itong makaalis ng peklat, pekas, wrinkles at maging mga nais alisin na balahibo.

Inererekomendang gumamit ng moisturizer o di naman kaya ay cream na may lanolin pagkatapos ng paraang ito hanggang sa bumalik na sa normal na kulay ang balat.

Pampakinis ng Mukha na Kayang Kaya Mo

May mga paraan naman kung paano pakinisin ang mukha na kayang gawin sa bahay at hindi kailangang gumastos pa ng malaki.

Ang pagkain ng isda na nagbibigay ng Omega 3 ng dalawang beses o higit pa sa isang linggo ay makatutulong upang maging makinis at makinang ang balat.

Ang katawan ay binubuo ng mas maraming bahagi ng tubig. Ang kakulangan nito ay maaaring magdulot ng di maayos na daloy ng pagtatrabaho ng mga organ. Isa sa pinakamabilis na maapektuhan ng kakulangan nito ay ang balat. Kung kaya naman isa sa mga pinakakilalang paraan ng pampakinis ng mukha ay ang pag inom ng maraming tubig.

Ang walo hanggang sampung baso ng tubig ay sapat upang mapanumbalik ang maganda, makinis at mas sariwang kutis. Ngunit mag ingat sa paraan ng pag-inom dahil maaari itong magdulot ng hindi magandang epekto sa katawan. Ang tamang pag-inom ng tubig paunti unti lamang hanggang sa makaubos ng sapat.

Ang matatamis na pagkain naman ay unti unting inuubos collagen sa ating katawan na dahilan upang ang ating mga balat ay magmukhang sariwa. Ang pagbabawas ng pagkain na matatamis ay makatutulong din upang mapabagal ang pagtanda at pagkulubot ng balat. Mahalaga rin ang mga pagkaing mayaman sa collagen gaya ng paa at pakpak na manok upang mapalitan ang moisture na nawala sa ating balat.

Ang pahinga na madalas ay hindi napagtutuunan ng pansin ay isa rin sa pinakamabisang paraan kung paano pakinisin ang mukha. Ang pagtulog ng anim hanggang walong oras na tuloy tuloy ay nakatutulong upang mapanumbalik ang sigla hindi lamang ng loob ng katawan kundi maging ng balat. Ang pagtulog ay tumutulong din na palakasin ang mga free radicals sa katawan na sya namang kaagapay ng mga hormones na nagpapatibay ng balat.

Ang paghihilamos naman, nakalilinis man ng balat ay hindi dapat gawin ng madalas. Dahil lingid sa ating kaalaman, ito ay nakapagpapadami ng paglabas ng mantika sa balat at maaaring makapagdulot ng pinsala lalo na sa bahagi ng mukha, leeg, didbdib at likod. Sa pagbubura ng make up, maaaring gumamit na lamang ng gentle facial cleanser. Pagkatapos ay gumamit ng toner upang simutin ang mga bahagi pa ng make up na hindi tuluyang naalis ng cleanser. Ito rin ay upang sarahan ang mga pores at maiwasan ang pagkakaroon ng tigyawat.

Ang pag-eexfoliate naman na halos katumbas ng microdermabrassion ay maaaring gawin isang beses sa isang linggo sa mukha at dalawa hanggang tatlong beses naman kung para sa katawan. Nakatutulong ito hindi lang upang alisin ang dead skin kundi para mapaluwag ang sirkulasyon at matulungan ang balat na makapaglabas ng sariling collagen.

Isa rin sa mabisang paraan kung paano pakinisin ang mukha ang madalas na paglilinis ng mga gamit pang make-up upang maiwasan ang pamamahay ng mga dumi na maaaring maipahid sa balat at magbara sa mga pores nito.

Kung ang labi naman na hindi rin dapat kinakalimutan sa layunin kung paano pakinisin ang mukha ay nakararanas ng panunuyo, maaaring marahan itong kuskusin ng sepilyo gamit ang maaligamgam na tubig upang mapanumbalik ang lambot nito. Gumamit din ng lip balm o lipstick na may moisturizer bilang proteksyon nito laban sa muling pagkatuyo lalo na sa panahong mahangin.

Hindi maikakailang ang balat sa mukha ang isa sa mga bahagi ng ating katawan na may pinakamaraming kinakaharap. Maaari itong gawing sukatan upang matukoy ang kalagayan ng ating kalusugan. Kung kaya naman mahalagang pangalagaan at alamin ang mga pangangalaga at pampakinis ng mukha hindi lamang para sa kagandahan kundi para na rin sa ating kalusugan.

Gaano kapaki-pakinabang ang artikulong ito?

Pampakinis ng Mukha, Mga Hakbang Tungo sa Kutis na Mas Bata
Rate this post

KATULAD NA MGA ARTIKULO